Thursday, March 8, 2012
"Ang Pantasya ni Eba"
Masaya at maayos ang buhay sa bayan ng Kagawasan. Ang babae ay kilos babae, at ang lalaki, kilos lalaki; nasa tamang lugar ang lahat. Bagamat pantay-pantay ang pagtingin nila sa kababaihan at kalalakihan, hindi sila naniniwala sa mga makabagong pananaw na pareho dapat ang kilos, ugali at papel ng babae at lalaki sa lipunan.
Babae ang Pangulo ng Kagawasan. Babae rin ang mga opisyal na nasa mahahalagang posisyon ng gabinete, tulad ng Kagawaran ng Patakarang Pangkabuhayan, Industriya at Kalakal. Babae ang mga sundalo, ang mga negosyante, ang mga pari ng simbahan. Babae ang mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, at propesyonal.
Nararapat lamang ito, dahil iyan ang papel na itinakda ng Diyos Ina para sa mga babae. Kaya nga’t biniyayaan ng Diyos Ina ang Kababaihan ng Kagawasan ng mga katangiang angkop sa kanilang mahalagang pananagutan sa lipunan: ang matalas na isip at kakayahang magpasiya, ang lakas at katatagan ng kalooban, ang lakas ng katawan.
Ang mga lalaki naman ang maybahay. Sila ang nag-aalaga ng mga anak: total, may likas silang katangiang mapagmahal at mapag-aruga. Sila rin ang biniyayaan ng mga kamay na mas may resistensya sa init, kung kaya’t mahuhusay silang magluto. Kasiyahan nila ang pagsilbihan ang kanilang mga asawa at mga anak. Bagamat hindi sila kumikita sa ganitong klaseng gawain, sinusuportahan naman sila ng kanilang asawa bilang kapalit sa kanilang serbisyo. Kinikilala rin naman ng lipunan ang kanilang mahalagang kontribusyon: sila ang tinaguriang “ilaw ng tahanan” at taun-taon binibigyan sila ng bulaklak tuwing Araw ng mga Ama.
Ang ganitong pagkakahati ng trabaho sa lipunan, at ang pagkakaiba ng likas na pag-uugali ng babae at lalaki, ay alinsunod sa pagkakaiba ng kanilang mga katawan. Tanda ng lakas at katatagan ng kababaihan ang kanilang kakayahang magdala ng bata sa kanilang sinapupunan, at tiisin ang sakit at hirap ng pagluluwal nito. Ang kanilang papel bilang mga manggagawa sa lipunan ay nakabatay rin dito, at sa kanilang kakayahang magpasuso sa mga bata: hindi ba’t panganganak at ang pagkakaroon ng gatas para sa anak, ay isang uri ng produksyon?
Pati ang anyo ng aring pangreproduksyon ay naaayon sa kanilang papel bilang manggagawa, mangangasiwa, at tagapagpasiya sa lipunan. Ang ari ng babae at nakatago, kung kaya’t hindi madaling masaling; malaya silang nakagagalaw. Papaloob ang direksyon nito, sagisag ng kanyang kakayahang pagmuni-munihan ang mga bagay-bagay at magbigay ng mahusay na kapasiyahan. Sa pagtatalik, ang ari niya ang sumasakop sa ari ng lalaki, sagisag din ng kanyang pananagutang sakupin ang mundo. Gayon din ang posisyon sa pagtatalik na nakapagbibigay sa kanya ng higit na kasiyahan: siya ang nangingibabaw sa lalaki tulad ng pangingibabaw niya sa kalikasan.
Samantala, dahil walang kakayahan ang lalaking magdalantao at magpasuso, at dahil ang babae na ang nagsusugal ng buhay sa panganganak, makatarungan lamang na sa kalalakihan na ipaubaya ang pag-aalaga at pagpapalaki sa mga anak. Bukod pa rito, nalilimitahan ang kanilang mga galaw ng kanilang ari: di tulad ng sa babae, nakalawit ito at madaling mabasag.
Kita rin naman sa kanilang ari ang kakulangan nila sa kakayahan sa mahalagang pagpapasiya: dahil nakalabas ito, may kababawan silang mag-isip at hindi ganoong magaling magtago ng mga sekreto. Kung kaya’t nababagay silang magpasiya tungkol sa mga bagay na hindi na dapat pagkaabalahan pa ng mga babae, tulad ng kulay ng kurtina. Gayon din, ang posisyon nila sa pagtatalik ang nagpapakita kung ano ang papel nila sa lipunan: sila ang nakatihaya, naghihintay habang tinatrabaho ng asawa. Dahil sa akto ng pagtatalik napapaloob ang kanilang ari sa ari ng babae, laging sinasabi sa kanila kapag sila’y ikinasal: “Magpasakop kayo sa inyong mga asawa…”
Sa kagawasan, isang masayang pangyayari ang pagkakaroon ng anak na babae: “Hayan,” wika ng mga ina, “may magdadala na ng pangalan ko.” At nangangarap na sila sa pagiging Pangulo balang araw ng kanilang anak. Masaya rin sana ang pagkakaroon ng anak na lalaki, dahil magkakaroon ng isa pang katulong sa gawaing-bahay ang mga ama; ngunit kung bakit napapaluha ang mga ama kapag nakitang lalaki ang kanilang mga supling at nabibigkas ang: “Heto na ang isa pang pambayad sa kasalanan!”
Subscribe to:
Posts (Atom)