Monday, June 8, 2009
(Chapter15) Joygiver...(Part 1) Pre-departure
Two years ago nang magdesisyon akong pumunta dito sa Israel. Makabuluhan para sa akin ang mga araw na yun. Nung panahong bago ako mag apply papunta dito, nung nag-a-apply pa ako papunta dito at nung panahong papunta na ako dito sakay ng eroplano(naman!).
Tatlong buwan lang ang itinagal ng application ko. Mabilis ako natanggap at mabilis din ako nakaalis. Natanggap agad ako sa tulong na rin ng isa kong kapatid na medyo malakas sa agency na pinag aplayan ko. Nakaalis naman agad ako papuntang Israel sa tulong naman ng apat sa lima kong kapatid na mga nasa abroad na rin. Salamat mga kapatid, ngayon good shot na ako sa inyo…hehe
Naalala ko pa nung nag-a-apply pa lang ako. Naku! Makulay at mapagsubok. Dahil kung gaano kabilis ang naging departure ko, ganun naman katagal ang naging pre-departure ko. Ang daming delaying tactics. Yung iba intentional. Yung iba naman, pausal ni Lord. Kapag nadedelay ang application ko noon(intentionally) yan at sunod-sunod na ang tawag ng mga kapatid ko. Hindi para tanungin kung ano bang nangyari at naudlot na naman(to the 10th power) ang pag aaply ko, kundi para sermunan ako sa magkakapareho nilang tono. (“ikaw talagang ha*** ka, napaka-ga** mo. Ang laki na ng perang nauubos mo u**l ka) Lahat galit. Lahat soprano. Nagloloko na naman daw ako sa buhay at kung ano-ano daw ang inaatupag ko sabi ng mga kapatid ko. Kung alam lang nila, nung mga panahong yon sa buhay ko, ako ay nag iisip, nagmumuni-muni at naghahanap. Pero hindi ko masisisi kung ganun man ang naging reaksyon nila. Nauunawaan ko sila. Katulad din ng pag-unawa nila saken. Dahil sa itinakbo ng buhay naming magkakapatid mulat sapol nung mga bata pa kami. Alam ko kung ano ang linggwahe ng kanilang pagmamahal.
Pero yung delaying tactics ni Lord, aba e, ibang usapan na yon. As all we know, he’s full of tricks. Para syang magician. Bigla kana lang magugulantang sa ilalabas nyang surpresa mula sa kanyang mahiwagang kahon ng kapalaran. Pag andyan na at bumulagta sa harapan mo. Hindi mo matatanggihan. Siguro yon ang naging paraan nya para sabihin saken na hindi pa ako handa. Na mapapaitan lang ako kapag pinilit kong pitasin ang prutas na hindi pa hinog. Na magkakamali lang ako. Na itong pinapasok ko, kumbaga sa joygiving courses (na madalas hindi ko pinapasukan na tinulugan ko lang kung pumapasok naman ako) walang crash course, walang short-cut. Dapat makumpleto ang training.
Sa totoo lang, kahit pa may mga kapatid ako na nasa abroad, na nagbilang na rin ng mga nagdaang taon sa pagtatrabaho sa ibang bansa. Na malamang nakaubos na ng isang bukleto ng green form sa western union(for sending money, yellow form naman ang to receive money) hindi pa rin ganon kasapat ang kaalaman ko sa buhay OFW. Mas marami akong naging tanong kaysa sagot. Mula sa itsura ng mga bato, lupa at mukha ng mga Israeli. Natapos ang pagtatanong ko sa kung ano bang buhay meron sa Israel? Ano ba ang magiging buhay ko sa Israel? Iilan lang sa napakarame kong tanong noon. Na nung mga panahong yon ay hindi ko mahanapan ng sagot(kahit si google kulang ang information).
Ganun pa man, sa hinaba haba man nang itinakbo ng proseso ng pag aaply ko. Sa mga taghoy ni Ninoy sa kanyang nakahalumbabang posisyon sa tuwing ipagpapalit ko sya sa kumpare kong Matador(alak) na kasa-kasama ko sa pagmumuni muni, sa pag iisip at sa paghahanap. Sa mga naging desisyon ko na madalas si Batman ang nagpapasya. Hayun, at nakasakay din ako ng eroplano…Philippine Airlines Flight No. 730. Israel! Eto na ako.
.....itutuloy
Wednesday, June 3, 2009
(Chapter 10) Isubo ang bato sabay sigaw ng...LUKA!
Kung magpapa agaw ka lang inagaw na kita sa kanya. Mahirap kasi angkinin ang ayaw naman magpaangkin. Mahirap maghabol ning. Hay naku! kung alam mo lang. Sa buong buhay ko, bagama’t isa pa lang ang hinabol ko, dyoosss koo, buong buhay ko na ata hinahabol ang mokong na yun. Wala ka pa dito sa earth hinahabol ko na sya…hahaha. Ayun, sa awa ni Lord malayo pa rin ang pagitan namen. Ewan ko ba. Hindi naman sya tumatakbo. Ba’t hindi ko pa rin sya maabutan? Feeling ko kasalanan ko rin, minsan kasi naglalakad din lang ako. Minsan nga pahakbang hakbang lang ang effort ko. Nakakapagod din kasi. Minsan masaya nako sa pasulyap sulyap lang. Yung makita ko sya na andun lang sa unahan ko. Syempre ako ang nasa likuran. Naman! Pero ning, pag ramdam kong aktibo ang estrogen ko, ay, kahit malayo sya amoy na amoy ko ang testosterone nya.hahahaha. Nanggigigil ako ning. Hindi ito kaya ng patakbo takbo lang. Para tuloy gusto ko agawan ng bato si Darna sabay lipad papunta sa kanya. Ay, kelangan pala isubo muna ang bato.hahahaha. Wait lang, ano naman isisigaw ko? Hindi naman pwedeng Darna kasi kay ate Vi na nga yun. Nura kaya? Hahahahaha. Sige nga testing lang. Isubo ang bato sabay sigaw ng Nurrraaaaa! Hahahaha. Ang panget ning! Mas naging kamukha ko si Gloria.hahahaha. Naku! Problema ito, wala akong sariling titulo. Sa tingin nyo, ano ba magandang isigaw ko?
Tuesday, June 2, 2009
(Chapter 5) Buhay Pinoy sa Israel
Sabado na naman, day-off ng mga metapel at metapelet(tawag sa mga caregivers sa Israel). Nagkataon pang spring season kaya maganda ang panahon. Maraming pwedeng gawin. Kaliwa't kanan saan mang sulok ng Israel, sabi nga hanggat may Pinoy, tiyak na may kasiyahang magaganap sa araw ng kofesh(holiday). Malamang Biyernes pa lang ay abala na ang karamihan sa paghahanda sa paglabas. Nakaplano na kung ano ang isusuot na damit na iteterno pa sa mga accessories, make-up, sapatos at kung anu-ano pang borloloy sa katawan. Pinag iisipan na kung ano ang gagawin sa bente kwatro oras na day-off na kung minsan ay umaabot ng 48 hours o higit pa(depende kung may nakuhang reliever o taga bantay sa matanda(employer) na pwede ng ilang araw). Pag ganitong araw, tiyak nagkalat ang mga Pinoy(maging ibang lahi tulad ng Nepalese, Indian, Thai at Chinese na nagtatrabaho rin dito sa Israel). Lalangawin ang Tutuban Center sa Divisoria kung ikukumpara sa dami ng taong namamasyal sa Takana Merkasit sa Tel aviv. Taob at mga pipi ang ingay at kapal ng tao sa Quezon Blvd. sa Quiapo sa hindi mahulugang karayom ng mga tao na nagsisiksikan at nagtatalakan sa Nave Sha’anan St.(Ni hao bate ng isang intsik sa kapwa nya intsik{na nakasakay sa bisekleta}, dehna ne? tanong naman ng Ethiopian sa kasalubong na Ethiopian, Namaskar nahihiyang sambit ng babaeng Nepalese sa kasamahang Nepalese{wearing their national costume}, Zzdravstvuyte! Pasigaw na wika ng isang Rusit(Russian) hindi sa kapwa Rusit kundi sa lahat ng dumadaan{don’t worry guys hindi yun galit nangungumusta lang, lasing kasi}, Sawatdee kaa malambing na greetings ng isang Thai sa kanyang motek(girlfriend)…na Pinay, Padi enoman tayo sa flat mayang gabe aya ng isang Ilonggo sa kanyang kumpare..ay uo pare saan ga ang flat mooo? Tugon naman ng Batanggenyo sa kumpare nyang Ilonggo, deevidee deevidee alok naman ng Indiano sa kanyang panindang pekeng cd/dvd sa lahat ng lahi all over the world na napadpad sa nasabing kalye). Mahihiya ang mga namamasyal sa Luneta Park sa dami ng kumpulan ng tao sa Levinski Park. At walang binatbat ang mga tindero at tindera sa Nepa Q-Mart sa Cubao pagdating sa usapin ng produktong Pinoy dito sa Israel. Kahit ano ultimo bagoong at tuyo na kinaaayawan ng mga Israeli meron dito. Dahil sabi nga, hanggat may Pinoy kahit saang sulok man yan ng Israel makarating, tiyak na may kasiyahang magaganap.
Syempre hindi rin mawawala ang get-together ng mga magkakaibigan at pamilya. Ang iba ay may pupuntahang okasyon. Kahit saang lupalop pa yan kahit sino pa mang may pa-okasyon, always present ang Pinoy(kasal ng kaibigan ng kaibigan ng boyfriend, binyag ng anak ng kapitbahay ng girlfriend ng kaibigan ng kapatid, first monthsary, second monthsary, third, fourth, fifth, hanggang umabot sa first anniversary, at kung anu-ano pang holiday na pwedeng i-celebrate ng mga Pinoy). May iba naman na picnic sa park ang gimik. Kanya kanyang latag ng banig habang ang iba ay abala sa paghahanda ng pagkain. Hindi kalayuan sa tumpukan ng mga Pinoy maririnig ang masayang boses ng mga tsikiting nila(na dito na sa Israel ipinanganak) na malayang naglalaro, naghahabulan at nagkukulitan. Samantalang si aba(tatay) at mga kumpare't kaibigan nito kasama si ima(nanay) at ang mga kumare , manikyurista, masahista at mga customers nito sa Bigtalk(cellphone cards sa Israel) ay abala sa pagkukwentuhan. Naku! Marathon tsismisan ito over the never ending bottles of beer. Ikaw ba naman ang magtrabaho ng isang linggo na walang alisan sa bahay(madalas stay-in ang mga caregivers sa bahay ng kanilang employer) na tanging si saba at safta(tawag sa mga matatanda na inaalagaan)ang kasakasama sa ilang maghapon at magdamag sa ilang araw na lumipas. Kaya tama lang na aliwin ang sarili paminsan minsan. Eto nga at Sabado na naman, day-off ng mga metapel at metapelet sa Israel. Tiyak, maraming pwedeng gawin.
Kung araw ng sweldo o panahong medyo nakakaluwag sa pera(hal. sumahod sa paluwagan o nakatanggap ng abraa o recuperation pay) tiyak puno na naman ang Mommy's Place. Ito ang isa sa kauna-unahang Filipino bar and resto sa Israel na pinupuntahan ng mga Pilipino na gustong mag aliw sa buhay. Lalo pa't kilala ang mga Pinoy sa katakawan sa morkon(tawag ng mga Tagalog sa mikropono ng videoke) at sa galing sa pag idyak at paggiling sa dancefloor mapa-Ilokano, Kapampangan, Tagalog, Manilenyo, Bikolano, Bisaya at maging ibang lahi, saktong sakto ang Mommy's Place na tambayan. Dito mo matitikman ang panlasang Pinoy sa dayuhang lupain.
Naalala ko pa noong unang pasok ko sa Mommy's(kasama ang aking mga kapatid at kaibigan na isa sa mga unag parokyano ng nasabing bar). Kausap ng aking kapatid na si Rico(hindi tunay na pangalan na ngayon ay nasa Amerika na) ang mag asawang Yossi at Lucy(mas kilala sa tawag na Mommy) na sya ring may ari ng Mommy's Place. Pinag uusapan nila ang planong palagyan ng second floor ang nasabing establisyemento. Iyon ay bunsod na rin ng patuloy na paglakas ng nasabing lugar. Kaya naman malaking kaluwagan sa mga customer ang pagdagdag ng pwesto na pwedeng maupuan at matambayan ng magkakaibigan na nagkakasiyahan. Hindi katagalan ay inextend na rin ng may ari ang pader malapit sa entrance ng bar na magbibigay ng karagdagang pwesto. Tinanggal na rin ang malaking couch sa isang sulok ng Mommy's para malagyan ng ilan pang tables and chairs. Karagdagang pwesto din ito. Karagdagang kita.
Patuloy na namayagpag ang nasabing bar. Hindi mapigilan ang pagsikat nito. Walang hindi nakakakilala sa Mommy's Place sa bawat Pinoy na mahilig gumimik. Kahit pa lasing at pagewang gewang na sa kalsada. Alam pa rin kung saan ang saktong lugar nito. Kung saan liliko at kung saan dederecho na kanto.(bakit ko ‘to alam, syempre, danas ko ‘to) #8 Benei Brak St. Tel Aviv yun na yun!
Lalo pang sumikat ang Mommy’s nang hinaluan ito ng live band. Rock and Rhythm Band ang pangalan ng bandang lumikha ng napakalakas na ingay sa nasabing bar. Mabilis kumalat ang tsismis(pate ata sa Gaza Strip nakarating ang balita). Magaling daw ang nasabing banda. Mahusay tumugtog at magagaling kumanta ang mga singers nito. Patok sa panlasa ng mga Pinoy maging sa ibang lahi ang estilo at genre ng kanilang musika. Tiyak na mapapasayaw ka sa rock and dance songs nila. Samantalang mapapayakap ka naman ng mahigpit sa iyong katabi(na nasa kabilang table) sa mellow and love songs na handog nito. Pwede ka ring magrequest ng paborito mong kanta na may kasamang pagbati sa iyong special someone.(for kuya jojo; happy happy birthday to you and may you have more birthdays to come. love; agnes) hindi sila magkapatid, friends lang sila, ganun lang talaga sila ka-sweet sa isa’t isa. Actually, kahapon lang sila nagkakilala sa sherut(minibus) on their way home.
Bumantayong ng husto ang Mommy’s Place sa pagiging cool and cozy ng lugar. Dinadayo ito ng marame. Nasaksihan ko ang mabilis na pag usbong ng nasabing bar. Ibang iba na ito ngayon kung ihahalintulad sa dati nitong anyo at porma. Tama lang na magkaroon ng pagbabago ang Mommy’s alinsunod na rin sa tumataas nitong demand. Dumarating pa nga sa punto na kailangan mong tumambay sa labas at maghintay ng customer na papauwi na. Tsaka ka pa lang makakapasok pag may nabakante ng upuan.(bakit ko rin ito alam, syempre, naranasan ko rin ‘to) Ganun pa man, sunod-sunod man ang lumabas na customer, nakatitiyak ang may-ari na puno pa rin ang bar. Hindi magkandaugaga ang mga kaibigan kong waiters and waitresses sa kung sino, alin, para kanino at saang table ang uunahin sa dame ng tao. Hindi pa kasama dito ang bilang ng mga customers na mas piniling tumayo na lamang habang ang iba naman ay abala sa paggiling(pataas at pababa) sa indak ng awiting osto osto. Kung ano naman ang ihinaba ng pila ng mga nag aabang na customer sa labas ng bar na gustong makapasok sa loob, doble nito ang pila ng mga customer sa loob ng bar na gustong makapasok sa CR. Lahat ay nag aabang, nagpipigil at nananabik na maibsan ang lumolobong pantog ng kasiyahan bunsod na rin ng malamig at walang ubos na pagdaloy sa lalamunan nina kumpareng Heineken, Carlsberg at SMB. Sabay sambit ng mahabang aaahhhhhh…shh..shh..shhh…aaahhhhhh biglang kudlit sabay blooowwwkk sa olyodoro…solve na! Pwede na ulit.
Masikip. Pero ayos lang dahil napapaluwag ito ng mga ngiti, mga halakhak at masasayang tawanan ng mga magkakaibigang dito lang sa Mommy’s Place muling nagkita kita makalipas ang isang Linggo ng pagbabanat buto. Mausok. Ein baya(no problem) dahil mas mahalaga ang usok na nagmumula sa nag aalab na damdamin ng mga Pinoy bunsod ng kasiyahang nadarama sa pagsasama sama ng bawat pamilya dito sa Israel. Lacheim!(cheers). Maingay. Hakol beseder(evrything’s ok) dahil nakatitiyak ako na ang ingay na ito ay ingay ng pagmamahalan at pagkakaisa ng mga magkakaibigan, magkababayan at magkakapamilya na naririto ngayon sa loob ng Mommy’s Place na kahit man lang sa maiksing panahon, sa iilang oras na nalalabi, ay maipadama at maranasan ng bawat isa ang kulturang Pinoy na sa tuwi-tuwina ay palaging minimithi at pinananabikan ng sinumang OFW, saan mang panig ng mundo, na kumakayod sa dayuhang lupain.