Monday, June 8, 2009

(Chapter15) Joygiver...(Part 1) Pre-departure

Hindi ko aagawan ng titulo si Osang bilang tagapagbigay ng ligaya. Si Osang yata yun, at kanyang kanya ang titulong yon. Pero dito sa Israel(at sa online social networking na PG4M) isa din akong joygiver. Take note, hindi lang ako basta basta joygiver, kundi isa akong certified joygiver. Meron ata akong six-month training sa Pinas para maging mahusay at dekalidad na Tagapagbigay Ligaya! Bukod pa ito sa two-week joygiving program na tinapos ko sa agency na pinag-aplayan ko. Ang ending, lahat ito na-certified ng gobyerno. Kaya ngayon, hustler na po ako…hahaha. Ano, nalilibugan na ba, este, nananabik na ba kayo? Sa sinumang may gusto ng serbisyo ko, eto, basahin nyo…”sing-sarap pero di sing-mahal”(mula sa commercial ng sabong panlaba na kadalasan ay ginagamit din sabong panghugas ng pinggan).

Two years ago nang magdesisyon akong pumunta dito sa Israel. Makabuluhan para sa akin ang mga araw na yun. Nung panahong bago ako mag apply papunta dito, nung nag-a-apply pa ako papunta dito at nung panahong papunta na ako dito sakay ng eroplano(naman!).

Tatlong buwan lang ang itinagal ng application ko. Mabilis ako natanggap at mabilis din ako nakaalis. Natanggap agad ako sa tulong na rin ng isa kong kapatid na medyo malakas sa agency na pinag aplayan ko. Nakaalis naman agad ako papuntang Israel sa tulong naman ng apat sa lima kong kapatid na mga nasa abroad na rin. Salamat mga kapatid, ngayon good shot na ako sa inyo…hehe

Naalala ko pa nung nag-a-apply pa lang ako. Naku! Makulay at mapagsubok. Dahil kung gaano kabilis ang naging departure ko, ganun naman katagal ang naging pre-departure ko. Ang daming delaying tactics. Yung iba intentional. Yung iba naman, pausal ni Lord. Kapag nadedelay ang application ko noon(intentionally) yan at sunod-sunod na ang tawag ng mga kapatid ko. Hindi para tanungin kung ano bang nangyari at naudlot na naman(to the 10th power) ang pag aaply ko, kundi para sermunan ako sa magkakapareho nilang tono. (“ikaw talagang ha*** ka, napaka-ga** mo. Ang laki na ng perang nauubos mo u**l ka) Lahat galit. Lahat soprano. Nagloloko na naman daw ako sa buhay at kung ano-ano daw ang inaatupag ko sabi ng mga kapatid ko. Kung alam lang nila, nung mga panahong yon sa buhay ko, ako ay nag iisip, nagmumuni-muni at naghahanap. Pero hindi ko masisisi kung ganun man ang naging reaksyon nila. Nauunawaan ko sila. Katulad din ng pag-unawa nila saken. Dahil sa itinakbo ng buhay naming magkakapatid mulat sapol nung mga bata pa kami. Alam ko kung ano ang linggwahe ng kanilang pagmamahal.

Pero yung delaying tactics ni Lord, aba e, ibang usapan na yon. As all we know, he’s full of tricks. Para syang magician. Bigla kana lang magugulantang sa ilalabas nyang surpresa mula sa kanyang mahiwagang kahon ng kapalaran. Pag andyan na at bumulagta sa harapan mo. Hindi mo matatanggihan. Siguro yon ang naging paraan nya para sabihin saken na hindi pa ako handa. Na mapapaitan lang ako kapag pinilit kong pitasin ang prutas na hindi pa hinog. Na magkakamali lang ako. Na itong pinapasok ko, kumbaga sa joygiving courses (na madalas hindi ko pinapasukan na tinulugan ko lang kung pumapasok naman ako) walang crash course, walang short-cut. Dapat makumpleto ang training.

Sa totoo lang, kahit pa may mga kapatid ako na nasa abroad, na nagbilang na rin ng mga nagdaang taon sa pagtatrabaho sa ibang bansa. Na malamang nakaubos na ng isang bukleto ng green form sa western union(for sending money, yellow form naman ang to receive money) hindi pa rin ganon kasapat ang kaalaman ko sa buhay OFW. Mas marami akong naging tanong kaysa sagot. Mula sa itsura ng mga bato, lupa at mukha ng mga Israeli. Natapos ang pagtatanong ko sa kung ano bang buhay meron sa Israel? Ano ba ang magiging buhay ko sa Israel? Iilan lang sa napakarame kong tanong noon. Na nung mga panahong yon ay hindi ko mahanapan ng sagot(kahit si google kulang ang information).

Ganun pa man, sa hinaba haba man nang itinakbo ng proseso ng pag aaply ko. Sa mga taghoy ni Ninoy sa kanyang nakahalumbabang posisyon sa tuwing ipagpapalit ko sya sa kumpare kong Matador(alak) na kasa-kasama ko sa pagmumuni muni, sa pag iisip at sa paghahanap. Sa mga naging desisyon ko na madalas si Batman ang nagpapasya. Hayun, at nakasakay din ako ng eroplano…Philippine Airlines Flight No. 730. Israel! Eto na ako.

.....itutuloy

No comments: