Tuesday, November 17, 2009

PUSAKAL

Nagkalat ang PUSAKAL sa bansang Israel. Makikita mo ang mga ito kung saan saan lang. Syempre pa, lansangan ang pinakapaboritong tambayan ng mga PUSAKAL. May itim na PUSAKAL, may puting PUSAKAL, may inter-racial na PUSAKAL(pinaghalong itim at puti). Kung minsan, may makikita ka ring multi-color na PUSAKAL(batikang itim, puti at orange)

(PUSA-KAL-...short for pusang kalye)

Walang pinagkaiba ang PUSAKAL dito sa Israel sa PUSAKAL sa Pinas, halos pareho lang sila ng estilo ng pamumuhay. May PUSAKAL na akyat bahay(sila yung suspect sa pagnanakaw ng kapiprito mo lang na isda). May PUSAKAL na basagolero(sila naman yung palaging nasasangkot sa trouble). May batang kalye na PUSAKAL(sila yung mga juvenile na PUSAKAL na inabandona ng kanilang prostitute mom na isa namang PUTAKAL(sila naman yung sobrang iingay na PUSAKAL na mahilig makipaglampungan tuwing madaling araw sa kapwa nila PUSAKAL sa bubungan ng kapitbahay na kelangan mo pang buhusan ng tubig para matigil ang kanilang public orgy). Yun nga lang kung minsan, ang siyam na buhay ng PUSAKAL sa Pinas ay nagtatapos sa siopao.

-------------------------------------------------------------------------------------

Eto naman si manong, isa sa mga tenants sa building na tinitirahan ko sa Tel Aviv. Ang kaibahan nga lang namin, may sarili akong kwarto na tinutuluyan samantalang si manong dun sa ilalim ng hagdan sa ground floor nakikisilong. Isang araw, habang papauwi ako ng flat galing sa trabaho ng laking gulat kong makita si manong na gumagapang papasok ng building bitbit ang munting gamit nyang kumot at unan. Umuulan noon, at sadyang napakalamig sa labas. Gusto ko sanang tulungan si manong makapasok ng building pero sigurado akong tatanggi sya sa offer ko. Dahil ilang sigaw din ng pagkabagabag ang natanggap ko sa kanya nang magtangka akong kunan sya ng litrato. Pasensya kana manong kung na-envade ko ang privacy mo. Pero hindi mo maitatanggi na na-envade mo rin ang puso ko kaya naman gusto kong ibulalas ang nararamdaman ko sa pamamagitan ng artikulong ito.




-------------------------------------------------------------------------------------

Sya nga pala, bago ko makalimutan may mga saba at safta din na PUSAKAL(sila naman yung inabot na ng pagkatanda sa lansangan at sa lansangan pa rin naninirahan). Sila din yung may pinakamasalimuot na kondisyon bilang mga PUSAKAL. Dahil sa katandaan, wala na silang kakayahan pang lundagin ang matataas na basurahan para mangalkal ng pagkain. Kadalasan, sila din ang nakikita nating nakahandusay sa kalye(pirat ang tyan, labas ang bituka, basag ang bungo, luwa ang mata) na nasagasaan ng mga sasakyan.

-------------------------------------------------------------------------------------

Ito naman si Christian, kung mapapansin nyo may pingas ang mga tenga nya. Dahil isa din syang PUSAKAL.




-------------------------------------------------------------------------------------

Noon yun, ngayon house pet ko na sya.




-------------------------------------------------------------------------------------

Katulad din ng iba pang PUSAKAL, naranasan din ni Christian ang mamuhay sa lansangan. Kung paanong mangalkal ng pagkain sa nabubulok na basurahan(jackpot na ang makatagpo ng tinik ng isda na nakadikit pa ang ulo nito sa pinagtinikan). Ang makipagpatintero sa mga humaharurot na sasakyan. Ang matulog sa ilalim ng puno, sa halamanan, sa bangketa sa daan(paano na lang kaya sila tuwing taglamig at umuulan?). Naisip ko lang, dahil babae ang pet kong si Christian, naranasan din kaya nyang maging isang PUTAKAL? May mga naging kuting din kaya sya na basta nya lang iniwan? Sya kaya, isa din kaya syang juvenile o batang PUSAKAL?

Hindi na mahalaga saken yun. Ayoko ng balikan kung anumang meron si Christian noon. Ang mahalaga ay ang NGAYON. Ipapaubaya ko na lamang sa inyo ang mga tanong na yan. Kayo na ang bahalang sumagot. Dahil sa artikulong ito, ayokong ma-spoil ang kung sino si Christian ngayon. Na isang malambing at maamong pusa.(Sa katunayan, habang kinukuhanan ko sya ng litrato para sa artikulong ito, ay hirap akong makakuha ng magandang anggulo dahil sa tuwing aktong pipiktyuran ko sya ay sya namang paglapit nya sa akin para i-caress ako). Kaya hindi na ako magtataka kung bakit maging ang kapatid kong si Pogi ay giliw na giliw kay Christian. Kaya naman nagdesisyon na rin syang ampunin ito.

-------------------------------------------------------------------------------------

"Change is the only constant thing in the world", yan ang sabi nila. Sa kabilang punto, may tama sa kasabihang iyon. Oo nga naman, saan mang aspeto ng buhay saan mang anggulo mo ito tingnan lahat nagbabago. Pisikal man, mental o emosyunal, likas o di-likas tiyak na may pagbabagong nagaganap. Kaya nga sa itinakbo ng kasaysayan ng lipunan, sa anumang panahon, saan mang panig ng mundo, walang imperyong hindi gumuguho(patay kang Gloria ka..hehe). Nagawa ngang magbago ng pusa kong si Christian, tao pa ba naman kaya ang hindi magawang magbago.

-------------------------------------------------------------------------------------

Last week, habang papauwi ulit ako ng flat galing sa trabaho may nakita akong isang matangkad, simpatiko at matipunong lalaki sa may takana. Tila may hinihintay siya. Ang pinagtataka ko lang makailang beses na syang tinigilan ng mga sasakyan pero hindi sya sumasakay. Gets ko na. Isa syang callboy. Samantalang sa kabilang bahagi naman ng kalye ay may nakita din akong isang munting kuting na walang tigil sa pagmiyaw. Halatang balisa ang munting kuting. Gets ko na. Gusto nitong tumawid ng kalsada. Alam kong based on instinct ang gagawing desisyon nito kung sakali mang tumawid ito ng kalsada. Ang problema wala itong precise judgement kaya malaki ang chances na masagasaan ito ng mga nagraragasang sasakyan. Pero ito ang nakakamangha sa scenario, pareho pala kami ng simpatikong moroccan-alike callboy na nakapansin sa suicidal na munting kuting. Ang kaibahan nga lang namin, ako nagmasid lang habang sya eh nag-effort talagang tumawid ng kalye para sagipin ang munting kuting. Masuyo nya itong tinawag para sumunod sa kanya hanggang sa makarating sa isang ligtas na lugar(sa ilalim ng halamanan).

Ang sweet ng callboy. At cute sya ha...kahit isa din syang PUSAKAL.

(ang kaganapang ito na nasaksihan ko ang nagsilbing inspirasyon sa pagkabuo ng artikulong ito. Kasama na rin syempre ang house pet ko na si Christian)

-------------------------------------------------------------------------------------

(hindi akin ang mga susunod na statements...gusto ko lang i-share)

"Change happens, that is for sure, and not just in our modern, 21st century era. It seems that the stress of the new affects most people in every age. So the trick is not to resist it, but to go with it. The real problem for the creative person is getting over the resistance of those who don’t want to change."

...google

"living in the street is not a real life. this kind of life leads to somewhere"

...yuri, na isa ring callboy

(my next article..."Si Yuri"...abangan...)

No comments: