DISCLAIMER:: isang malaking kahihiyan sa isang katulad kong manunulat ang maakusaan ng plagiarism, kaya bago pa man mangyari sa akin ito ngayon pa lang sinasabi ko na sa inyo na hindi sa akin ang kwentong ito. gusto ko lang i-share. i find it really inspiring and i was moved by the story. sana magustuhan nyo din. kaya kung sino mang nagsulat nito. saludo ako sayo.
TAHIMIK ANG GABI, maingay ang patak ng ulan. Nakikipag kumpetensiya sa ingay ng aking pag hikbi. Nakiramay ang langit sa lungkot na nararamdaman ko. Sa pagpatak ng luha ko, bumalik ako sa ala-ala noong ako’y musmos pa.
“Darna!” (shooosh). Nakatali pataas ang aking sando, naki ribbon sa may dibdib ko,iniimagine ko na naka bra ako. nakataaas na din ang shorts ko, litaw ang singit ko, at may nakasabit na panyo sa harapan ko.
Takbo dito, talon doon, hinahabol ko ang mga kalaban kong halimaw! Yah, hiyaah! Kinakarate ang mga kalaro ko na sila ang kalaban ni Darna. Bag! Aray! Isang masakit na suntok ang tumama sa sikmura ko! Sa sobrang sakit, hindi ko napigilang mapaluha, napa upo ako at namilipit sa sakit. Umagos ang luha sa aking pisngi. “Sorry”, sabi ng nakasakit sa akin. Malamang dahil sa kamusmusan ko, madali ang tumahan. Tuloy ang laro. “Darna!(shoosh)..Halakhak at ngiti ang nakabakas sa mukha ng aking mga kalaro.
Bumalik ako sa reyalidad na iniiyakan ko pero ngayon ay may ngiting nakaguhit sa mukha ko dahil sa ala-alang namutawi sa aking isipan.
Dali dali kong binuksan ang aparador at hinalungkat ang mga larawang nagpapasaya sa akin nung ako ay bata pa. Pictures, sa likuran ko ay poster ng Darna (si Anjannete Abayari ang bida).
Kalakip ng mga pictures ko ay ala-ala noong nasa high school ako. Graduation pictures, kasama ang mga classmates ko, kapwa iniidolo namin si Darna. Graduation pictures na nagpa ala-ala sa akin ng paghihiwalay namin, patungo sa bagong landas ng buhay. “It is another chapter in your life” na quote ko galing sa speech ng Guest Speaker namin,isang kilalang pulitiko sa barrio namin.
*****************************************************
Another chapter in my life. Matagal tagal din na hindi nalululon ni Narda ang bato. Umaariba ako sa school, consistent Dean’s lister. Isang taon na lang at gagraduate na ako, umaasa na makakakamit ng honor sa pagtatapos ko. Sipag na sipag ako sa pagrereview habang pinakikinggan ang favorite girlband ko, ang Spicegirls.
Hindi ko akalain na si Darna ay may kahinaan din pala. Naramdaman ko na nagba blush ako, kinakabahan, nanghihina ang tuhod ‘pag nakikita ko yung crush ko na transferee. Oo, sa unang pagkakataon, umiibig na yata ako. Mahirap imaginin pero naging close kami ng lalaking hinahangaan ko. Hindi niya batid na ako si Darna. Ang hirap pala na itago mo ang totoong pagkatao mo, ang hirap pala ‘pag superheroine ka! Naging masaya ang huling taon ko sa kolehiyo kasama ng lalaking lihim kong iniibig.
Isang araw, naramdaman ko na kailangang lunukin ni Narda and bato. May mga kalaban ba?Meron, pero hindi mga aliens, hindi mga halimaw, hindi mga zombie. Sino ang kalaban?Ang sarili ko, sarili ko ang kalaban ko. Hindi ko na matagalan ang pagpapanggap na ito. Nadesisyunan kong umamin ng pagkatao ko sa lalaking lihim kong iniibig.
“Ako si Darna”, sabi ko sa kanya. “Anong ibig mong sabihin?” Nilulon ko ang bato at sumigaw: “DARNA!’ (shooosh). Laking gulat niya sa katotohanang nadiskubre niya. Gusto ko siyang ilipad habang yakap yakap sa mga braso ko. Ipapasyal sa mga lugar na gusto niyang puntahan.
Pero bigla siyang tumalikod sa akin! Ramdam ko ang lamig sa katawan ko, kabog ng dibdib ko ang tanging ingay na naririnig ko. Kasalanan ko bang ako si Darna na nakatago sa likod ng isang mapanlinlang na katauhan? Lumipad ako papalayo.
Lumipas ang mga araw, hindi ko siya makita. Nag aalala ako na baka bihag na siya ng mga kalaban. Isang napakasayang pagkakataon ng masilayan ko siya sa library. Napawi ang aking kaba. Pero bakit ganun? Nang makita nya ako, umalis siya, obviously iniiwasan na niya ako. Napakasakit, parang pinupunit ang puso ko, nanghihina ako. Ngayon batid ko kung ano ang sakit na nararamdaman ni Superman pag may kryptonite, ganun pala kasakit ‘yun.
Halos hindi ko na malulon ang bato sa ilang pagkakataon. Gusto kong sisihin ang may lalang sa akin kung bakit binigyan niya ako ng “super powers”.
Nakapagtapos ako. “I am a superhero of myself and i know for sure that there will be villains out there who will try to defeat me but then with the powers that were given to me, I can beat them all” , bahagi ng aking speech. Muli ngiti ang gumuhit sa aking mukha ng manumbalik ako sa pagkakatayo ko sa harapan ng aking aparador habang hawak ko ang graduation picture ako.
***************************************************
Hindi ko maiwasang lumuha sa tuwing maaalala ko ang paglulon ko ng bato at sabay sigaw ng: “DARNA!”. Tahimik ang gabi, maingay ang patak ng ulan. Nakikipag kumpetensiya sa ingay ng aking pag hikbi. Nakiramay ang langit sa lungkot na nararamdaman ko.
Naramdaman ko na may mga matang nakamasid sa akin. Kalaban ba sila? Handa kong lunukin ang bato kung sakali. Hindi pala, si Itay, hindi ko batid na ramdam niya ang pahihirap ko sa pagkubli ko ng aking tunay na pagkatao.
Mainit na yakap ang ibinalot ni Itay sa akin. Tinitigan ang aking luhaang mga mata. Sabi niya: “balang araw anak maiintindihan din ng planetang ito kung bakit may isang kakaibang nilalang na tulad mo. Kung bakit kailangan nila ng superhero na katulad mo. Maiintindihan nila bakit kailangan nila si Darna!”.
Higit pa sa kapangyarihang taglay ko ang pagtanggap ni Itay sa totoong katauhan na bumabalot sa akin. Kapalit ng mga luhang gumulong sa aking mga pisngi ay mga tawanang pinagsaluhan namin ni Itay sa malamig na gabi. Ngayon, ipapakita ko sa kanya ang aking paglulon sa bato. “DARNA!” (shoosh). Ililipad ko at ipapasyal ko sa lahat ng gugustuhin niyang mapuntahan.
Thursday, December 17, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment