Thursday, December 3, 2009

EX-MAS

Ito ang nakakatuwa, nakakatawa at nakakahibang na kwento.

Papauwi na dapat ako ng bahay noon nang maisipan kong dumaan muna ng takana para magwindow shopping. May oras pa naman ako. Wala pa rin naman sa bahay ang kapatid kong si Pogi kaya wala pa rin lutong pagkain para sa hapunan. Ayaw na ayaw ko pa namang tumambay sa bahay namin ng gutom. Masakit na pakiramdam yun. Kaya go for more letayel muna ang eksena ko.

Habang pababa ako ng fourth floor mula sa istasyon ng aking autobus ay biglang tumambad sa akin ang sandamukal na Christmas decors.

wowwwwwww.....



more wowwwww.....



grabeeeee.....



Hindi pa ako nasiyahan sa nakita ko kaya naman dumerecho agad ako sa lugar kung saan naka-display ang mga ito.

ayyyyyyy.....



ganda naman.....



saya naman.....



hayyyyyyyy.....

NAKAKATUWA
kasi pasko na naman.

NAKAKATAWA
kasi hindi ko man lang namalayan na pasko na nga pala ulit. Kapag nga naman nasa ibang bansa ka na walang konsepto ng Christmas hindi mo rin maiiwasan na mahawa ka sa mga tao dito.

Pero syempre dahil Pilipino tayo. At nakatatak na sa lahi natin ang pagiging masayahin. Lalo na sa mga panahon tulad ng pasko. Na lahat makulay. At lahat ay maliwanag, umiilaw at kumukutikutitap. Tulad ng mga palamuting pampasko na bumulagta sa akin sa sentro ng takana. Anong sinasabi mong nasa ibang bansa ka? Wala! Kyeme kong ibang lahi ang mga kasama ko. Tseee! Tuloy ang ligaya. Pero may pagkakataong kung minsan ang katotohanang ito rin ang kapag nanunot sa sistema ng iyong katawan. At bigla mo narealized na "oo nga, nasa ibang bansa nga pala ako, ibang lahi nga pala ang kasama ko". Lalo na ngayon sa panahon ng taglamig. Tiyak ang pakiramdam na yan ang tunay na NAKAKAHIBANG.

Waaaaaaaaaa! Paskoooooo naaaaaaaaa! Nahohomesick ako! Gusto ko ng umuwi ng Pinas!

Magtatatlong taon na pala ako dito sa Israel. Ang bilis ng panahon. Hindi ko man lang napansin. Ibig sabihin magtatatlong taon na din pala ang EX-MAS ko(mga paskong malayo sa Pinas). Hayyy!

Naalala ko tuloy sa probinsya namin sa Quezon. Malamig na kapag ganitong buwan. Hapon pa nga lang ramdam mo na bumababa ang temperature. Kelangan mo na magsuot ng jacket sa gabi. At pagsapit ng madaling araw. Naku po! Pate kumot ng katabi mo sa pagtulog tiyak aagawin mo para ibalot sa nanginginig mong katawan. Bigla ko tuloy namiss ang sinundan kong kapatid. Makulit yun e. Tanda ko nung mga teenagers pa kami. Pag nauuna syang gumising saken sa umaga para pumasok sa school. Dahan dahan nya akong aalisan ng kumot. Syempre ako naman si engot since malamig nga kaya tulog mantika ang drama ko at hindi ko namamalayang nagyeyelo na pala pate panis kong laway. Pero hindi pa dun nagtatapos ang kalokohan ng kapatid ko. Akalain mong buhayin pa nito ang electric fan sabay tutok sakin sa bonggang bonggang number 3 level. Hay naku! Walang sinabi sa nginig ng katawan ko ang mga saba at safta natin dito sa Israel na may sakit na Parkinsons. Tuloy pate panis kong laway sa bibig naging iceberg na. hahahaha...

Friday, December 4, 2009 12:23am(oras sa laptop ko)
12 days mula ngayon simbang gabi na. Hayyyy! Simbang gabi na. Naalala ko tuloy nung high school pa ako. Sa Catholic School ako pumasok noon kaya required samen ang magsimbang gabi at tapusin ang nine mornings. Kahit labag sa kalooban kong gumising ng alas tres ng madaling araw(yung tipong mauuna pa ako gumising sa mga manok ng kapitbahay). Tapos maliligo ako ng pagkalamig lamig na tubig(syempre nasa probinsya kami at hindi uso sa amin ang water heater). Sayang naman ang gas kung sa gasul pa ako magpapainit ng tubig(kahit 13years na ang nakalipas kelangan pa din namin magtipid dahil noon man ay may krisis na rin sa langis). Kaya buhos ng buhos to death na lang ang drama ko sabay sigaw ng pagkalakas lakas. Ang lamiggggggggg! Dun pa lang sa sigaw kong yun magigising ang mga manok ng kapitbahay(naka-save sila ng time and effort sa pagtilaok...hahahah).

Pero ito ang mga eksenang pampagising kapag nasa simbahan ka na. Una, malalaman mo kung sino sa mga sumimba ang hindi naligo. Sila yung tipong mga mukhang bagong gising pa rin kahit nakapustura ng ayos. Makikita mo sa may bunbunan sa ulo nila na may konting strands pa ng buhok ang nakatayo(hindi kinaya ng suklay...heheh). Yung iba naman pawisik wisik lang ng tubig ang ginawa kaya yun pinapagpawisan kahit taglamig(mahirap din na pakiramdam yan...hahaha). Pangalawa, syempre yung mga manang sa loob ng simbahan na nasa unahan ng altar(mga chicks ni father...heheh). Sila yung mga aakalain mong seryosong nakikinig sa sermon ng pari pero wag ka at natutulog naman(dinaig pa nila yung mga manok ng kapitbahay ko na patuka tuka habang ang ulo nila ay pataas at pababa...hahaha). At pangatlo, ito talaga ang classic na eksena tuwing simbang gabi. Yung mga magjojowa na wala sa loob at labas ng simbahan. Kundi nasa gilid at sulok sa madidilim na lugar(gawin ba namang extension ng motel ang simbahan).

Dahil isang oras lang ang misa de gallo at may isang oras pa bago magsimula ang klase ko. May oras pa kaming magkakaibigan para mamasyal. May paborito kaming tambayan noon. Kina Nanay Angge na napakasarap magluto ng puto, kutsinta at bibingka(may libre ka pang salabat). Mabilis maubos ang panindang kakanin ni Nanay Angge kaya dapat takbo ka agad sa pwesto nya pagkatapos ng misa. Kilala nga kasi sya sa lugar namin na masarap magluto ng kakanin kaya dinudumog ito(sumakabilang buhay na nga pala si Nanay Angge ilang taon na rin ang nakakalipas. Naalala ko sya dahil magpapasko na. Naalala ko ang masasarap nyang kakanin. Kaya gusto ko ding ialay ang artikulong ito para kay Nanay Angge).

Noong kolehiyo naman ako, alala ko yung lantern parade sa school namen. Tuwing third week of December yun bago mag Christmas break. Malapit na din yun ah. Tiyak masaya yun. Bawat college kasi ay kailangan lumikha ng isang bonggang bonggang parol na kayang talbugan ang iba pa ring bonggang bonggang parol ng iba pang kolehiyo na kalahok sa patimpalak. Ipaparada ito sa buong campus at tuwing gabi ito ginaganap para lutang na lutang ang makukulay nitong ilaw. Nakakamiss naman. Ang parol nga naman. Iba ang pakiramdam kapag nakakita ka nito kumpara sa iba pang pamaskong dekorasyon. Pwede kang makakita ng Christmas light kahit saan kahit kailan kahit ordinaryong panahon pa yan(talamak ito sa beerhouse...hehe) pero hindi mo mararamdaman o ni-katiting na sumagi man sa isipin mo na pasko na. Pero ang parol(yung korteng bituin) sa oras na makakita ka nito, tiyak masasabi mo, kahit sa ordinaryong panahon na, "Ayyyy! Pasko na".

Nakakamiss din ang Makati kapag pasko. Alala ko nung nagtatrabaho pa ako sa call center. Nasa bonggang bonggang 57th floor ang office namen kaya naman kitang kita ko ang kagandahan ng Makati. Lalo na ang kahabaan ng Ayala Ave na tila mga munting kristal ang mga palamuti nitong Christmas lights na kumikinang sa iba't iba nitong kulay. May pula, berde, asul at dilaw. Sa panahon ding ito maraming kasiyahan sa dati kong pinapasukan. Hindi ko malilimutan yung series of Christmas parties na pakulo ng date kong boss. Kakaiba yun. Halos linggo linggo na lang may okasyon. Kaya ang ending linggo linggo din kaming may extended lunch break. At pabor samen yun. Hirap kaya magtawag. Lalo na kung ang matyempuhan mong kausap sa telepono ay isang daot na Amerikano na kung hindi hang up ang ibibigay sayo e isang sandamukal na insulto ang matatanggap mo. Naku! Baka maging Byernes Santo lang ang dapat ay masayang Pasko mo. Kaya pasalamat na lang kame sa dati naming boss. Kahit isa syang Arab naiintindihan nya na mahalaga para sa mga empleyado niya ang panahong ito.

Anyaways,

Mukhang humahaba ang segue ko. Balik tayo sa kwento.

Oo nga at totoo na nagcecelebrate din ng pasko ang mga Pilipino dito sa Israel. May Christmas party din(mag segue ulit tayo. There will be a Christmas Party on Dec 26, 2009 8pm at Country Dekel #69 Kosovskey St. Tel Aviv last station of sherut #5 with non stop food and drinks. For info, please call Ambet at 0527865294. Yan Kuya Ambet libreng advertisement yan ha papasko ko sayo...hehe). May iba't ibang grupo din na nagbabahay bahay para mag-caroling. May Kriss Kringle. May exchange gift. May mga laruan at bagong damit. Pero iba pa rin talaga kung nasa Pinas ka at dun mo ipagdiriwang ang pasko. Ibang iba. Malaking pagkakaiba!

Nakakamiss ang mga munting chikiting na kalimitan sila ang nagbabahay bahay para mag-caroling bitbit ang kanilang improvised tambol at karakas(na gawa sa lata ng bearbrand at mula sa pinitpit na tansan ng coca cola). Ang homemade palitaw ng tiyahin ko mula sa Sariaya. Ang special tikoy ni Ma'am Estella. Ang reunion namin ng aking mga kaklase sa high school. Ang Christmas party namin ng aking mga kaibigan sa Sinturisan. At ang one week celebration namin ng aking buong pamilya na inaabot ng bagong taon. Ang unlimited videoke(no need for 5peso coin as token) na tiyak unlimited din ang listahan ng kanta lalo na ng tiyuhin kong lasenggero na si Tiyo Rudy. Ang masayang halakhakan. Ang walang katapusang kumustahan. At ang simpleng ngiti ng 86 years old kong Lola na dahil sa katandaan ay kadalasang nakaupo na lang sa silya habang pinapagmasdan ang ikatlong salinlahi na produkto ng kalibugan nila ni Lolo(na sumakabilang buhay na). Nakakamiss ang lahat ng ito.

Hay naku! Dahil dyan, nagdesisyon akong magbakasyon next year. Uuwi ako ng Pinas, nang mabawasan naman ang EX-MAS ko.

No comments: