Sunday, January 3, 2010

PUTA INA MO KA

"Boyet kung may problema ka saken, putang ina mo!"

Napakibit-balikat na lang ako. Napangiti na may halong pagtataka.

Napabuntong-hininga. Napa-isip....(?) Nanghinayang.


(History of events in chronological order):

STORY A.1

ILANG Linggo na rin ang nakakalipas nang masita ako ng immigration police sa may Neveshanan. Pauwi na ako ng flat noon galing sa inuman mga bandang alas singko ng madaling araw. Kilala ko ang sarili ko kapag nalalasing. Drink and dance ako. At hindi lang basta simpleng dance ang eksena ko kundi tila malakabayo na patalon-talon at pasipa-sipa ang istilo ng pagsasayaw ko sa tuwing dadaloy sa sistema ng aking katawan ang ispirito ng pulang kabayo. Kaya normal na saken ang mawalan ng mga gamit sa katawan. Nalaglag na cellphone. Nagpatak na pera. Nalagot na necklace at naputol na bracelet. Sa sobrang kalasingan hindi ko na namamalayan ang mga pangyayari. At minsan may ganun talaga. Bukas na kapag nahulasan pagsisihan ang lahat.

Pero isang bagay ang pinaka-iingatan ko palage na hindi malalaglag o mawawala sa katawan ko. Iyon ay ang passport ko. Kaya nga hanggat maari iniiwan ko na lamang ito sa flat ko kaysa dalhin pa ito kungsaan-saan lalo na kung napasabit na ako sa gimikan. Dahil kilala ko nga ang sarili ko. Malaki ang chance na mawala, malaglag o maiwan ko din ang passport ko.

Alam ko na balagan ang masita ng immigration police. Pero natitiyak ko na mas balagan ang mawalan ng passport. Kung legal ka naman at walang dapat ipangamba wala din dahilan para matakot kang masita ng mga mokong na myembro ng Oz. Pero ang minsang mawalan ka ng passport. Naku! Sinasabi ko sayo. Napakalaking abala. Balagan na sa trabaho balagan pa sa panahon at pera.

-------------------------------------------------------------------------------------

STORY B.1

Naiintindihan ko na kailangan mangsita ng mga immigration police ng mga foreign workers dito sa Israel. Yun ang tungkulin na kanilang sinumpaan. Ang matiyak na pawang legal ang mga dayuhang manggagawa sa kanilang bansa. Kaya naman sa oras na matyempuhan ka nilang pakalat kalat sa daan at nadiskubreng wala kang visa. Sorry ka na lang. Dahil kahit ultimo call a friend that moment na mahuli ka ay hindi mo magagawa. Kukumpiskahin agad nila ang cellphone mo sabay ipapasok ka sa puting van. Dun pa lang mismo sa loob ng van mararamdaman mo na ang presensya ng kulungan.

Pero ang hindi ko maintindihan sa mga mokong na immigration police na yan ay kung bakit kung kelan dis-oras ng gabi ay tsaka naman sila mga nakamulaga. Wala silang pinagkaiba sa mga pesteng lamok sa flat ko na kung kelan kasarapan ng tulog ko ay tsaka naman ito libog na libog sa paglapa sa tenga ko. Ganyang-ganyan ang istilo ng mga mokong na myembro ng Oz. Kung kelan oras ng pagtulong na syang tanging panahon para maipahinga ang katawan mula sa maghapon trabaho ay tsaka ka naman nila bubulabugin. O kaya naman ay kung kelan naghahabol ka sa oras para hindi ma-late sa trabaho ay tsaka ka naman nila iistorbuhin. It's very unethical and that for me is a clear violation of the law.

-------------------------------------------------------------------------------------

STORY A.2

Nagulat ang mga kasamahan ko sa flat nang makita nila na may kasama akong immigration police. Alam ko na ang nasa isipan nila. Balagan ito. Pero alam ko rin na alam nila na wala kaming dapat ipangamba dahil lahat naman kami sa flat namin ay mga legal workers dito sa Israel at may kanya-kanya kaming dokumento na pwedeng ipakita sa mga mokong na pulis. Isa-isa nila kaming ininspekson. Tiningnan ang mga passport para icheck kung valid pa ba ang mga visa namin. Wala silang pakialam sa kundisyon/sitwasyon ng ibang tao. Tuloy-tuloy lang sila sa kanilang ginagawa kahit pa nga obvious na mga naaalimpungatan pa ang iba sa mga kasamahan ko sa flat mula sa mahimbing na pagkakatulog. Ilang minuto rin ang itinagal ng kanilang ginawang abala sa amin at sa huli ay napatunayan din namin na lahat kame ay mga legal na manggagawa. Dun ako nakahanap ng tiempo para mangatwiran at lakas loob kong ipinamukha sa kanila na mali at hindi makatao ang kanilang ginagawang pagtrato sa aming mga foreign workers dito sa Israel. Nagkaroon kami ng maiksing pagtatalo pero sa bandang huli ay nagdesisyon na rin silang lisanin ang flat namin dahil alam nilang nasa tama ako. Somehow it boosts my ego and makes me feel better as a person. Dahil nakapuntos ako sa kanila. At yan ang totoo sa sarili ko, kapag alam kong nasa katwiran ako walang dahilan para magpaagrabyado sa ibang tao kesehodang pulis ka pa noh!

Pero nagulat din ako sa naging reaksyon ng mga ka-flat ko matapos ang eksena namin ng mga mokong na pulis. Hindi nila nagustuhan ang aking ginawa at isang matinding pagbatikos ang natanggap ko mula sa kanila. Alin kaya sa ginawa ko ang hindi nila nagustuhan? Ang makita nila ako na may take-home na immigration police? E anong magagawa ko? Isa akong foreign worker sa bansa nila. At bilang isang foreign worker normal lang na pangyayari ang masita ka. Katulad nyo, isa din akong ordinaryong manggagawa. Hindi ako si Ambassador Petronila Garcia. Wala akong immunity sa ganitong patakaran na kanilang ipinapatupad. Baka naman ang pag-uwi ko ng madaling araw at ang hindi ko pagdadala ng passport ang ikinagalit ng mga kasamahan ko? Gaya nga nang nasabi ko na, kung wala naman akong itinatago wala din akong dahilan para mangamba. Dahil sabi ko nga, mas balagan ang mawalan ng passport kaysa masita ng pulis. Kaya mas mabuting iwan ko na lang ito sa flat, kaysa mawala. Malabo namang dahilan kung ang pag uwi ko ng madaling araw ang ikinagalit nila sa akin. Dahil sa pagkakaalam ko, magkakasama kami nung gabing yun bago ako masita ng pulis. Nauna lang sila saken umuwi ng flat. Sabado nun. Kofesh. Panahon para gumimik. Kung ang ginawa ko namang pangngatwiran sa mga pulis ang ikinagalit nila. Eh teka muna, magkaliwanagan tayo. Kelan pa naging mali na ipagtanggol ang karapatan?

------------------------------------------------------------------------------------

STORY B.2

MADALING araw ng Linggo January 3, 2010 dalawang araw makalipas ang bagong taon. Pangalawang beses ko na ring masita ng pulis. This time hindi ako nag iisa. Kasama ko ang dalawa kong malalapit na kaibigan. Ihahatid lang sana namin ang mga kaibigan naming Israeli sa ground floor kungsaan di kalayuan sa building ng flat ng isa ko pang kaibigan nakaparada ang kanilang sasakyan. Na ewan ko ba kung bakit sa hinaba haba ng kalyeng ito ay dito pa nakatambay ang mga mokong na myembro ng Oz. Take note madaling araw yun ha. Madalas ganitong oras ang operasyon nila. Hindi ba't kaduda-duda ang kanilang ginagawa? Bukod pa sa katotohanang tunay na hindi makatao at sadyang immoral ang ganitong patakaran.

NANG mga sandaling yun, ako lang ang may dalang passport sa aming tatlo. Naiwan ng dalawa kong kaibigan ang passport nila sa kanilang flat. "Ein baya" sabi ng isa sa mga kaibigan ko. Katulad ko, legal din silang nagtatrabaho dito sa Israel. Kaya kampante lang sila sa ganitong pangyayari. Hindi rin ito ang unang pagkakataon na nasita sila. Kaya gaya ng nakagawian, sasamahan lang sila ng immigration police sa kanilang flat at dun ipapakita ang passport nila with valid visa. Tapos ok na. This time, kakaiba ang scenario. Nasiraan ng sasakyan ang mokong na pulis kaya hindi nya kame pwedeng ihatid papunta sa flat. Sa halip inutusan na lang nya ako at ang isa kong kaibigan na syang magpunta ng flat para kunin ang passport ng isa pa namin kaibigan na sya namang naiwan kasama ang mokong na myembro ng Oz. Mabilis lang kaming nakabalik sa kinaroroonan ng kaibigan kong na-detained with the not-so-good-looking immigration police. Matapos ang lahat ng kabalaganan at kapunyetahang paninita ng mokong na pulis, ayun at abswelto na naman kame kaya dali-dali kaming umalis ng aking mga kaibigan palayo sa lugar. Nakakaalibadbad ang mukha ng isang yun. Pero sa ikunuwento ng aking kaibigan sa ginawa sa kanya ng mokong na immigration police. Sa kwento nya, tiyak na masusuka ka.

-------------------------------------------------------------------------------------

STORY A.3

ANG pagiging makulit ko ang simpleng paraan ko ng paglalambing. Pangalawa yun. Ang una, sweet naman talaga ako eh. At hindi mahirap makita yun. Kung talagang kilala mo ako at itinuturing na kaibigan. Ma-appreciate mo ang kalokohan ko. Alam ko, hindi ako ganun kabait na tao. Pero hindi rin ako ganun kasama. Nagpapakatotoo lang ako. At yun ang problema dito sa earth. Kapag totoo ka, kakaiba ka. At kapag kakaiba ka, "deviant" ka. Hindi ba't mas bagay tawaging "deviant" ang ilan sa mga kababayan natin dito sa Israel na nagsusuplong sa immigration police ng mga kapwa nila Pilipino na walang visa. Oo at naiintindihan ko na illegal silang nagtatrabaho dito at ipinagbabawal sa batas ng Israel na manatili ang illegal workers. Pero anak ng teteng naman oh! Kelangan ko pa bang ipaliwanag ang tunay na dahilan kung bakit mas pinili nilang mag-stay dito sa Israel kaysa umuwi ng Pinas at makapiling ang kanilang pamilya na mahabang panahon nilang hindi nakita? KELANGAN PA BA?!(literal ko itong isinigaw nang pagalit habang isinusulat ang huling pangungusap).

SABADO January 2, 2010 alas tres ng hapon. Masakit ang ulo ko. Hang over pa mula noong bagong taon. Sa flat ng kaibigan ko ako nakitulog. Ilang Sabado na rin akong hindi natutulog sa aking flat. Naging seryoso ang tampuhan namin ng mga flatmates ko. Walang pinagkaiba sa seryosong problema na kinakaharap ng mga Pilipino dito sa Israel....ANG MALAWAKANG DEPORTASYON.

Isasantabi ko muna ang tampuhan issue. Wala na akong panahon. Dahil isang oras mula ngayon ay kelangan kong dumalo sa isang pagpupulong na inorganized ng mga concerned citizens and volunteers both foreigners and Israelis. Kahit pa nga naakusahan ako na naghahanap ng kakampi. Aaminin ko, totoo ang paratang na yun. Dahil tatlo sa mga kaibigan ko ang narecruit ko na sumapi sa akin. Hindi para sa laban against my flatmates kundi para sa laban ng "UNITED AGAINST DEPORTATION"(isang samahan na nabuo dito sa Israel na kumikilos para hadlangan ang malawakang deportasyon ng mga foreign workers(na kasalukuyang may mga anak/pamilya dito sa Israel) sa pangunguna ng Hotline Office).

-------------------------------------------------------------------------------------

STORY B.3

NAGULAT kame sa kwento ng kaibigan ko tungkol sa ginawa sa kanya ng immigration police. Akala ko sa Pinas lang may ganung klase ng parak. Maging dito rin pala sa Holy Land hindi ligtas sa police scalawag.

PILIT sinusulsulan ng tarantadong immigration police ang kaibigan ko na sumapi sa kanila para magsuplong ng mga foreign workers na walang visa. Kapalit nito ang garantiya ng kanyang pananatili sa nasabing bansa sa oras na sya naman ang mawalan ng visa. Limang taon nang nagtatrabaho ang kaibigan ko dito sa Israel, ibig sabihin, huling visa na rin nya ito para magtrabaho ng legal dito. Tamang-tama nga naman ang offer ng mokong na pulis. Sadyang nakakasilaw. Lalo pa't kaliwa't kanan pa rin ang obligasyon mo sa Pinas. Sino nga ba naman ang hindi kakapit kahit sa patalim?

PERO hindi ang kaibigan ko.

"Ang kapal ng mukha nyang mag-offer ng ganun sa'ken.
Hindi nya ba alam na kaka-attend ko lang ng meeting sa Hotline Office? Kalaban ko na sya ngayon noh" sabi ng kaibigan ko.

YAN ang kaibigan ko, may paninindigan.

ANG ginawang kabalastugan ng scalawag na immigration police ay pagpapatunay lamang ng kabulukan ng sistema at patakaran na kanilang ipinapatupad laban sa mga dayuhang manggagawa (partikular na sa mga may anak/pamilya) dito sa Israel. Ito ay immoral at sadyang labag sa karapatang pantao. Lalo't higit sa karapatan ng mga bata na dito na sa Israel isinilang. Na ang tanging hangad lamang ay ang mabuhay ng matiwasay at mapayapa.

"It is illogical that state institutions take part in jailing mothers and children who grew up in Israel, their only home, and speak Hebrew as a mother tongue. The imprisonment of children causes an ineffaceable trauma, and their deportation to a country they have never been to will cause them a culture shock”.

-------------------------------------------------------------------------------------

STORY A.4 AND B.4(THE END)

NAGING napakahaba ng araw na ito para sa aming magkakaibigan. Inabot na kaming tatlo ng madaling araw at heto nasa labas pa rin kame sa gitna ng kalye. Nagmumuni-muni. Wala ni-isa sa amin ang nagsasalita ng mga sandaling iyon. Tanging ang katahimikan namin ang nangungusap sa isa't-isa. Pilit nitong binubusalan ang maingay na multo ng alaalang iniwan sa amin ng scalawag na pulis.

"Tara sa Resto Filipino" aya ng isa.

"Tara" tugon naman ng isa.

Wala akong naisagot sa usapan nila. Kahit alam ko na kung saan sila pupunta. At may pakiramdam na rin ako sa kung anong mga susunod na mangyayari.

Ang Resto Filipino ay isang bagong bukas na bar na madalas paggimikan ng mga Pinoy dito sa Israel. At syempre pa, grupo namin ang pangunahing parokyano nito. Sa may labas lang ng takana merkasit ito nakapwesto along levinsky street malapit sa park. Masarap tumambay dito. Very relaxing at well-treated ang mga customers. Bukod pa sa mura ang drinks at pulutan. Kaya naman ito lang ang bukod tanging bar na pinupuntahan ng aming grupo.

Dahil nasa Resto Filipino nga ang iba pa naming mga kaibigan. Sigurado ako na andun din ang ilan sa mga ka-flat ko. Alinlangan akong pumunta. Pero sigurado naman akong hindi papayag ang dalawang kaibigan na hindi ako sumama sa kanila kaya, sige, attack ang beauty naming tatlo. Kapag ganitong very challenging ang naging kofesh ko. Walang ibang masarap gawin kundi ang magvideoke, umindak at magpakalasing.

Maingay sa loob. Maraming tao. Marami din ang nagsasayaw. Tara sayaw tayo. Sa gitna. Sumayaw ako. Napagod. Naupo ako. Tapos sumayaw ulit. Napagod na naman. Umupo ulit. Mahabang pagkakaupo. Napako sa pagkakaupo. Napako ang paningin ko sa mga sumasayaw. Biglang may sumigaw. Malakas. May matinis na boses ang sumigaw. Pero lalaki ito. Sumigaw na naman. Makailang beses na syang sumisigaw. Ano ang isinigaw? Sino ang sinigawan? Lumabas ng bar ang sumisigaw. At sumigaw ulit.

"Boyet kung may problema ka saken, putang ina mo!"

Napakibit-balikat na lang ako. Napangiti na may halong pagtataka.

Napabuntong-hininga. Napa-isip....(?) Nanghinayang.


At napa-isip ulit ako...Naalala ko ang masasayang karanasan. Ang mga ngiti sa gitna ng kulitan at tuksuhan. Ang mga kalokohan na pinagtatawanan. Ang samahan. Magkasama sa kalokohan na nagtatawanan. Ang buhay ko. Tayo. Ang buhay bilang OFW.

Naalala ko ang mahabang araw na pinagdaanan ko. Ang hang over mula sa dalawang magkasunod na araw ng pag-iinom. Ang mabahong singaw ng alak. Ang hang-over mula sa mapagpalayang karanasan kasama ng iba pa. Na nakikibaka para sa pagbabago. Para labanan ang malawakang deportasyon ng mga dayuhang manggagawa dito sa Israel. Para matakpan ang mabahong singaw mula sa alaala ng scalawag na pulis.

Gusto ko rin sumigaw, mas malakas na sigaw.

"PUTA INA MO KA" rin.

Pilipino
Umasenso ka
TAhakin ang
INAasam
MOng
KAunlaran

MABUHAY ANG PILIPINO SAAN MANG PANIG NG MUNDO!

No comments: