(Ang mga susunod na kwento, pangyayari at mga tauhan ay pawang kathang isip lamang. Pero mukhang totoo. Basahin nyo, baka maka-relate kayo).
Si Lorna – isang TNT sa Israel. May apat na anak sa Pilipinas. Suki ng ACAMOL.
“Maliliit pa ang mga anak ko kaya kailangan ko pang maghanap-buhay para sa kinabukasan nila. Kahit mahirap at delikado, dahil wala na nga akong visa, tinitiis ko na lang. Nilalakasan ko na lang ang aking loob. Kung aasa lang naman ako sa kinikita ng asawa ko bilang trabahador sa pabrika walang mangyayari sa buhay naming mag-iina. Hindi sapat ang kinikita ng asawa ko sa Pinas para sustentuhan ang lahat ng pangangailangan ng mga anak namin. Gastusin pa nga lang nila sa school kulang na kulang na. Dalawa sa mga anak ko ang nasa High School na. Yung dalawa naman nasa Elementary pa lang. Alam mo bang dalawang taon pa lang yung bunso ko nung magdesisyon akong pumunta ditto sa Israel? Ngayon magsasampung taon na sya. At kahit minsan hindi ko pa sya nakita ng personal. Hindi pa rin kasi ako umuuwi sa atin mula ng mag-abroad ako. At alinman sa mga anak ko hindi ko pa nakita ng personal. Yun ngang sumunod sa panganay ko nagdalaga na hindi ko man lang nagabayan. Hindi ko man lang nakita ang paglaki ng aking mga anak(PAUSE: sandaling tumigil sa pagsasalita si Lorna). Walong pasko at walong bagong taon kong hindi nakita ang aking pamilya(PAUSE: muling tumigil sa pagsasalita si Lorna but this time medyo mahaba-habang sandali na hindi sya nagsalita. Kipit-labi habang nakatungo at maka-ilang sandali pa ay bigla na nitong itinaas ang kanyang ulo na bahagyang nakalugay ang buhok sa kaliwang bahagi ng kanyang mukha. Pero hindi hadlang ito para hindi ko maaninag ang patuloy na pag-agos ng kanyang mga luha. Sabay kalabit sa kanyang ka-flatmate na si Jasmin sabay sabing…”motek pakikuha mo naman ako ng ACAMOL dun sa aking cabinet. Dalhan mo na rin ako ng isang basong tubig. Biglang sumakit ang ulo ko.”
Si Bogz – 28 years old. Binata. Chickboy. Palaging may nakahandang ACAMOL sa tuwing babalik sya ng avoda.
“Ala eh! Masabi nang damulag akong tao. ‘Pag naman ang alaga mo’y sinlaki ng elepante, wala din sinabi aring laki ng katawan ko. Sa inaraw-araw na lamang wariko’y hindi sasampung beses kong binubuhat ang matanda ko. Ah ah, walastik ka oh! ‘Tamo ha, di sa umaga ibabangon ko, papaliguan ‘tas bibihisan. Ayun, dun na nagsimula ang kalbaryo ko. Kakahirap damitan ng matanda ko, ah ah! Yung ga namang sa laking iyon kundi nagpabalintong balintong na sa mita bago ko mabihisan. Sabi ko nga sa iyo,umaga pa lamang parang maghapon na ang itinarbaho ko. Ay daig ko pa naman ang palaging may buhat na balikbayan box eh sa bigat ng matanda ko. Naku! Kung makikita mo lamang sabihin mo naman…(PAUSE: sabay ngiting aso ni mokong na may kasama pang kindat). ‘Kala ko nga ako’y nakaligtas na sa pagbubuhat. Kaya nga ako nag-abroad ng makatakas sa pagbubuhat ng sinibak na kahoy ni tatang sa probinsya namin sa Batangas ‘tas garine pala ang dadatnan ko dine. Kung alam ko lamang maigi pang sa amin na lamang ako lumage at ng makapangabute ng mamarang pag tag-ulan(pabirong sabi ni Bogz). Buti na laang at akoy handa. Palage akong may baong ACAMOL sa bulsa. Kung hindi, piho na ako”.
Si Jasmin – 24 years old. Maglilimang taon na sa Israel. 20 years old pa lang pinag-abroad na ng mga kamag-anak na nasa bansang Israel din. Breadwinner. Kahati ni Lorna sa pag inom ng ACAMOL.
“Bale live-out ang avoda ko sa Ramat Aviv. Yun ang nagparating sa akin ditto. Pamilya sila pero mga bata ang inaalagaan ko. Tatlong makukulit na chikiting yung isa autistic child pa. Yun ang nagbigay sa’ken ng visa. 8am hanggang 6pm ako dun. Minsan OT ng 3 oras kapag may lakad yung parents ng mga bata. So extra payment yun. Bukod pa ang bayad sa shabath. Pinapabalik kasi nila ako ng Sabado ng umaga para iletayel ang mga bata. Siguro para makatulog ng mahaba yung mag-asawa. Alam mo naman ang mga Israeli ‘pag shabath. Friday talaga ang kofesh ko pero pinapagpart-time ko din yun. Hugas pinggan naman ako ‘pag Friday. 50shekel per hour. Minsan apat minsan limang oras. 200-250shekel din yun. Kapag weekdays may regular akong linis bahay three times a week. So direcho na agad ako dun sa part time ko pagkatapos sa avoda ko sa Ramat Aviv. Kapag sabado naman may regular akong tulog mula 7 ng gabi hanggang 7 ng umaga. Medyo kashe itong part time ko ‘pag Sabado kasi hindi nagpapatulog yung matanda. Alzheimer na kasi. Pero ok lang. ganun talaga, kasama sa trabaho naten yun. 150 shekel naman ang bayad saken dun so sa apat na Sabado kada buwan 600shekel din yun. Malaking dagdag na rin yun pampadala sa Pinas. May sakit kasi ang nanay ko sa bato. Regular yung dialysis nya once a week. Bukod pa yung gastos sa gamot. Sa pagpapagamot pa lang ng nanay ko 25,000 to 30,000 pesos na agad ang kelangan. Eh may mga kapatid pa akong pumapasok. Yung isa graduating sa kolehiyo. Ako lang naman ang kumikita sa aming pamilya. Ako na yung tumayong padre pamilya sa amin mula nang mamatay si tatay. pasalamat na nga lamang ako at may mga kamag-anak ako na tinulungan akong makapunta ditto. At pasalamat na lamang ako at maganda ang visa ko. Matagal pa ang pag-stay ko ditto. Mahaba haba pang pagtatrabaho. Kahit mahirap, kakayanin ko. ganun talaga. Sa sitwasyon ko, wala akong dahilan para mapagod. Ok lang yun…ACAMOL lang ang katapat ng sakit ng katawan ko…hehe…
Si Josie – 48 years old. May isang anak ditto sa Israel. Single parent. Pero may naiwang pamilya sa Pinas…lagot!
Ayoko na sanang pag-usapan pa ang kwento ng buhay ko pero sige na nga. May apat akong anak sa Pinas. Malalaki na silang lahat. Yung tatlo ko may mga asawa’t anak na. pero kargo kargo ko pa rin. Pinapadalhan ko pa rin. Ang katwiran mahirap daw ang buhay sa atin at kulang ang kinikita. Ay sus! Kung alam lang nila hindi por que kumikita tayo ng dollar ditto ay masarap na ang buhay. ‘Tas yung sinundan ng bunso ko ang wala lang asawa sa kanila. Nag-aaral pa sa kolehiyo computer technician naman ang course. Pangatlong kurso na niya iyon. Date nag-HRM, umayaw at waiter lang daw ang babagsakan nya sa course nay un. Eh di pinayagan ko kumuha ng ibang kurso. So, nag-nursing naman. Pero sa bandang huli ako naman ang umayaw sa kursong yun. Bakit kamo? Hindi kaya ng budget ko. Masabi ko sayo kamahal man magpa-aral ng nursing sa atin. Yung tuition lang nya inaabot ng 20,000 per sem. Hindi pa kasama ang baon araw-araw. Tapos may mga laboratory pa daw, at kung anu-ano pang gastos. Ay sus ginoo ka! Malulumpo na talaga ako. Apat sila sa Pinas na pinapadalhan ko. Kaya yun, pinakuha ko na lang ng computer technician, total magaling naman sya sa computer. Kwento nga niya sa akin nung minsan tinawagan ko palage daw sila busy ng mga kabarkada nya sa pag eex - box. Ano ba yung x-box? Computer ba yun?...”Game po yun”…Ay damuhong bata yun ah, pulos lakwatsa lang pala ang inaatupag. Sumasakit tuloy ang dibdib ko sa kanya(sabay bukas ng bag sabay kuha ng gamot na ACAMOL).
Thanks to ACAMOL…for the fast pain relief!
Sunday, December 19, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment