it's official, winter na nga. iba na ang simoy ng hangin. nanunuot na ang lamig sa kaibuturan ng aking laman sa pagitan ng maninipis kong balahibo sa buo kong katawan. paalam na sa aking mga sando, maiiksing t-shirts, sa mga shorts, at sa aking paboritong tsinelas. pansamantala ko muna kayong isasantabi. hello sa mga jackets, sweatshirts, tight jeans, sa mga koba ko na iba't ibang design at sa mga balabal ko na iba't iba ang kulay. na-miss ko kayong lahat. anim na buwan na naman tayong magsasama. ngayon pa lang, gusto ko na kayong pasalamatan sa init na idudulot nyo sa pagbalot sa aking patpating katawan.
ang ulan, ang patak ng ulan na kalahating taon kong hinintay. kay saya sa pakiramdam ang minsanang dumampi ka sa balat ko. patak dito patak doon. ako'y tila musmos na batang nakikipagkulitan sa iyo. habang ikaw naman ay walang tigil sa pangingiliti sa akin. patak dito patak doon. ako'y sinusundot mo sa aking noo, kaliwang tenga, sa aking leeg, at sa batok ko.
ang tubig sa bathroom, kelangan nang buhayin ang heater. paalam cold water hello hot water. wag kang magtatapang tapangan. dahil sinasabi ko sa'yo, para kang tinutusok ng sanlibong aspile kapag dumampi na ang malamig na tubig na pilit susuot kahit sa iyong kasingitsingitan.
ang aking kama, paalam na sa mga linen sheets, hello sa mga thick wool. tuwing summer, merpesek ang masarap gawing tambayan. ngayong taglamig, tiyak ang aking kama ang maghapong kaugapay. dito mapapatunayan ang kasabihang kapag maiksi ang kumot matuto kang mamaluktot.
paalam na sa aircon ng moadon, sa beit avot, sa kofat koalim at sa loob ng bahay sa salon. oras na para i-adjust ang setting ng masgan. press red button lang ang katapat nyan.
at sa'yo. oo ikaw nga. paalam na din sa'yo. salamat sa isang mainit na summer na ating pinagsaluhan. hinding hindi ko ito makakalimutan. ang masasayang alala at masayang pagsasama. natatandaan mo pa ba, minsang inaya mo akong mamasyal? tanghaling tapat noon sa tabi ng dagat. buti ka, puti ang kulay paano naman ako na isang balingkinitan. wala ng space sa balat ko, wala ng paglalagyan ang kulay na ito. pero ayos lang. ayos lang kahit magkulay tsokolate pa ako. ang mahalaga ay magkasama tayo. masayang tinutungga ang chameshim na vodka. ohh, very hot! yan na lang ang nasabi ko. habang nakangibit sabay dampot sa baso ng iskulyot. pero ayos lang. ayos lang kahit mapaso pa ako. kasing init pa man yan ng tirik na araw o ng sindi ng sigarilyong malamya mong kagat kagat ng iyong mapupula at malambot mong labi. ayos lang yan sa akin. dahil natitiyak ko na sa pagkakataong ito, habang tayo ay magkasama. wala ng iinit pa sa nararamdaman ko. nagliliyab ang aking dibdib. marahil nagmula sa nagbabaga kong puso na pwedeng pangsiga sa nabingwit mong isda. napakasaya. napaka-init. ngayon ko lang nabatid, totoo nga pala na nakakapaso ang ligaya.
tatakbo na sana ako sa dagat para magtampisaw, pero sa sinabi mo sa akin bigla akong natigilan. pate pag ikot ng mundo tumigil dahil sa sinabi mo "im moving to beersheva this winter for good". hindi ko alam kung anong sasabihin ko. hindi ko din alam kung anong gagawin ko. tatakbo pa ba ako sa dagat? tila mas mabuting tumakbo na lang palayo sa'yo. pero alam kong napansin mo, mula sa aking walang kibo at sa aking walang imik na nagbago ang aking ihip. ang matigatig na sinag ng araw ay unti unting natatakpan ng malaking bulto ng ulap. ang kapaligiran ay bahagyang nagdilim. tanghaling tapat pa lang noon pero makulimlim na tulad ng sa dapit hapon. parang may nagbabadyang ulan. oo nga pala, muntik ko ng makalimutan na tatlong araw mula ngayon mag iiba na ang panahon.
hudyat na rin ng pagbabago.
paalam summer, hello winter.
Sunday, November 1, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Hello Boyet..
I love to read this article. tnx for sharing your thoughts... God Bless!!!
Post a Comment