Monday, December 21, 2009

OKTUBRE by Adlesirc, FW

Sabi nila, madali raw makikilala ang demonyo dahil ito daw ay may dalawang malaking sungay, may buntot, at laging may dalang higanteng tinidor... Pero malayo ang itsura nito sa mga demonyong kaharap ko ngayon.














Nasa impyerno ako ngayon.

May demonyong nakapatong sa nakahandusay at hubad kong katawan. Ang isang kamay nya ay nakasabunot sa aking buhok habang ang kanan nyang kamay ay may hawak na baril habang nakahawak sa aking kanang dibdib. Bawat pagpalag ng aking mga hita ay may kapalit na suntok o sampal. Nakabusal sa aking bibig ang underwear ko. Ang mga kamay ko ay pigil-pigil ng dalawang lalake pa na panay rin ang lamas sa maseselang parte ko. Nag-uunahan sila sa pagkapa ng mga bahagi na makakapag-patindi ng kanilang pagnanasa. Pati ang kanilang mga bibig ay naglalakbay din sa walang saplot kong katawan. Malayo ang itsura ng tatlong demonyong ito sa mga napapanood ko sa tv at nababasa sa mga libro pero sigurado akong nasa impyerno ako ngayon.

Nilalantakan na ako ng tatlong demonyo. Ito ba ang kapalit ng pangungupit ko ng pera kay Dad? Ito ba ang kabayaran sa mga kasinungalian ko kay mama kapag ginagabi ako ng uwi galing sa paglalakwatsa kasama ng tropa ko? Grabeng parusa to. Gusto ko na lang mamatay kesa ganito.


Halinhinan sila sa panggagahasa sakin. Para akong lechon na pinagpi-piyestahan. Parang wala silang balak tumigil. Hindi ko alam kung naka-ilang beses na silang nagsalit-salitan. Ang tanging naririnig ko lang ay ang mga impit kong daing, at mga ungol nila habang sarap na sarap sila sa ginagawa nila sakin. Pati dugo ko yata ay mailuluha ko na sa tindi ng hirap na dinaranas ko.



Ganito pala ang impyerno. Isang matinding parusa. Isang bangungot. Wala ka nang hihilingin pa kundi ang mamatay na lang ulit at baka sakaling pagmulat ng mata mo ay napadpad ka na sa langit.



Natapos na naman yung isa at tumayo siya mula sa kanyang pagkakaluhod sa aking harapan. May papalit na naman. Hindi ko na kaya ang kahayupan nila. Papatong na sya sa akin ngunit itinikom ko ang aking mga hita bilang pagprotesta. Isang bigwas sa aking panga ang iginanti nya. Namanhid ang buong mukha ko.



Nahilo ako at parang nabibingi. Umiikot ang aking paningin. Ilang segundo pa'y lalo nang nagdilim ang paligid. Unti unting naglaho ang impyernong eskinitang iyon kasabay ng tatlong demonyong humahalay sa akin.


***********


1:37am na sa digital wristwatch ko.

Mahirap ang graduating student. Maraming projects at exams. Samahan pa ng thesis na pinaglamayan namin ngayon sa bahay ng classmate ko. Doon ako pinatutulog ng parents nya dahil alanganing oras na kaso may pasok pa kami bukas ng umaga kaya ipinasya ko na lamang umuwi.



Gustong gusto ko nang makauwi para ihimlay ang pagod kong katawan at utak sa malambot kong kama. Hindi na ako maghahapunan, bukas na lang. Naubos talaga ang lakas ko ngayong araw na ito. Sinimulan ba naman kasi ni Prof. Benitez ng isang mahabang "short" quiz tungkol sa C++ eh. Sino ba naman ang hindi mauubusan ng lakas.



Tatlong eskinita na lang ang tya-tyagain kong lakarin at mararating ko na ang terminal ng mga tricycle para makauwi sa amin. Lagi naman akong may kasabay na naglalakad sa kalyeng ito. Ngayon lang wala dahil masyado nang gabi kaya wala ng tao sa daan. Tanging isang itim na pusa ang nakasalubong ko sa daan. Tahimik na ang paligid. Waring tulog na ang kalye. Ang bilis ng paglakad ko. Nakakatakot pala sa lugar na ito kapag ganitong oras na.



Naulinigan kong may kasunod pala akong naglalakad sa makipot na eskinitang iyon. May yabag ng tsinelas sa likuran ko. Lumingon akong bigla at nakita ko ang dalawang lalaking nakatingin sa akin. Bigla akong kinilabutan sa takot. Diretso rin sila sa paglakad.





Malapit na ang susunod na eskinita, kakaliwa na ako. Sana ay may tao dun para mahingan ko ng tulong kung sakaling may balak na masama ang dalawang lalaking ito.



Pagliko kong pakaliwa ay natanaw kong may isang anino sa di kalayuan. Nakatayo lamang ito at nakatingin sa direksyon ko. Lumiko din ang dalawang lalaki sa likuranko. Pakiramdam ko ay mas malapit na sila ngayon sa akin. Halos patakbo na ako kung maglakad. Naguunahan ang aking mga paa at malalaki ang aking mga hakbang.



Nasa bandang gitna na ako ng eskinita nung habulin ako at akbayan nung dalawang lalaki. Holdap daw. Pinagitnaan nila ako. Wag daw akong papalag dahil papatayin daw nila ako. Halos bumaon sa aking tagiliran ang nguso ng baril na hawak nung isang lalaki. Amoy alak sila pero mukhang hindi naman masyadong lasing. Sa nanlalabong dilaw na ilaw ng poste na kinatatayuan namin ay pilit kong kinilala ang kanilang mga mukha. Namumula at nagdudumilat ang kanilang mga mata. Maya maya pay lumakad papalapit sa amin ang aninong nakatayo sa di kalayuan ng eskinita. Kasama pala nila ito. Look out.



Wala akong pera kundi ang natitirang ilang daan sa allowance ko at ang bagong cellphone na regalo ni Dad sa akin nung nakaraang pasko pero walang pagdadalawang isip na ibibigay ko sa kanila iyon para lang huwag nila akong saktan o patayin. Nagmamadaling iniabot ko ang bag ko sa lalaking may hawak ng baril. Bata pa ito. Kalbo at humpak ang mukha. Payat. matangkad lang sa akin ng kaunti. Kinapkapan pa ako ng mga kasama nya. Pinapalis ko ang mga kamay nila. May kamay na humipo sa aking puwet. Nagkatinginan sila. Lalong umigting ang aking kaba.



Tatakbo na ako. Aalis na ako dito ngayon din sabi ko sa sarili ko. Hahakbang na sana ako para tumakbo palayo pero hinawakan ako sa siko nung isang lalaki. Nanginginig ang aking katawan sa takot pero ipinalag ko ang aking braso at nabitawan nya ako. Pero hindi ko na nagawang tumakbo, hindi na ako pinakawalan nung dalawa pa.



Ikinasa ang baril at itinutok sa akin sabay sabing "hubad!" Lalo na akong nagimbal at hindi ko na napigilang umiyak. Hindi ako naghubad kayat ang dalawa pang kasabwat ang marahas na nagtanggal ng aking uniform. Tinangka kong manlaban pero sinikmuraan ako nung isa. Hindi ako nakahinga at napaupo ako sa sakit. Hinaltak nila ang blouse ko at hinubad ang palda ko.



Tanging panloob na lamang ang natitirang saplot ko. Inutusan nila akong lumakad. Dadamputin ko sana ang aking uniform nung may sumipa sa akin. Natumba ako at nasubsob sa paanan ng poste kayat nagdugo ang aking bibig. Sumigaw ako ng saklolo kayat nakatikim ako ng matinding sampal.



Pakaladkad nila akong dinala sa madilim na bahagi ng eskinitang iyon. Sa lugar na kinatatayuan kanina nung kasabwat nila na hindi nasisinagan ng kahit kaunting liwanag mula sa bombilya ng mga poste. Sa may tabi ng tapunan ng basura, kung saan ga-baywang na ang taas ng patong-patong na plastic ng basura at napaka baho ng amoy. Itinulak nila ako at sapilitang inihiga sa malamig at matigas na semento. Inalis nila ang natitirang saplot sa aking katawan at sinimulan akong halayin.




***********



May tumatapik sa aking pisngi. Malamig ang kanyang kamay. Dahan dahan kong iminulat ang aking mga mata. Nasa impyernong eskinita pa rin ako. Madilim-dilim pa rin ang paligid ngunit sisikat na ang araw maya-maya. Ikinilos ko ang aking kamay at tinanggal ko ang busal sa aking bibig. Isang matandang taong grasa ang gumising sa akin. Wala na ang tatlong demonyo.



Hindi ko alam kung anong oras na dahil wala na rin ang relo ko o kung gaano ako katagal nawalan ng malay at kung ilang beses pa nilang inulit ang kahayupan nila sa akin.



Nakatingin lang sa akin ang taong grasa. Pinagmamasdan nya ako mula ulo hanggang paa. Waring alam nya kung anong dinanas ko. Hindi pa ako gaano makagalaw ngunit pilit kong itinukod ang aking mga siko upang makabangon. Pakiramdam ko ay nagka gutay gutay ang aking mga kalamnan. Kumilos sya at hinubad ang kanyang sira-sirang tshirt at iniabot sa akin.


***********



Muntik nang ma-stroke si Dad dahil sa matinding galit na naramdaman nya nang malaman nya ang sinapit ko. Kahit kailan ay hindi ko sya nakitang umiyak. Ngayon lang. Pati si mama na hindi ko gaanong ka-close ay nakitaan ko ng sobrang hinagpis.



Nung mahimasmasan si Dad ay inutusan nya si mama para kontakin ang ninong kong pulis. Pagkatapos nilang mag-usap ni ninong ay niyakap ako ni Dad. Sabi nya gagawin raw nila ni ninong ang lahat para managot ang mga hayop na lumapastangan sa akin. Lahat raw ng koneksyon ay gagamitin nila upang magbayad ang mga kriminal na iyon sa kahit na paanong paraan. Matinding kabayaran daw ang haharapin nung mga kriminal na iyon.



Hindi naman binigo ni ninong ang pamilya namin lalot higit si dad, apat na araw pa lang ang nakakaraan ay pinabalik na nya kami sa presinto upang kumpirmahin ang mga suspek na nahuli nya. Nahuli ang dalawa. Yung isa daw ay nakatakbo. Sabi ni ninong hindi raw lilipas ang linggong ito at mananagot din ang isa pang iyon. Magkakaron daw ng hustisya ang pangba-baboy na ginawa nila sa Unica Hija ng kumpare nya.



Tumupad si ninong sa pangako nya. Isang bangkay ng lalaki ang natagpuan sa eskinita. May tama ito ng baril sa sentido. Isang bala lang ang tumapos sa buhay nito. Iniabot sa akin ni dad ang dyaryo upang ako mismo ang makabasa ng buong detalye. Malinis ang pagkakagawa at walang makapagsabi kung sino ang nasa likod ng pagpatay na ito.



Pinatay ni ninong ang pangatlong suspek na nang-rape sa akin. Sabi ni Dad, tinorture daw ni ninong ng todo ang dalawang kasamahan nito na naikulong na upang sabihin kung saan maaring magtago ang kasama nila. Naluha ako sa kinalabasan ng lahat pero hindi ako nakaramdam ng kahit kaunting awa. Tama lang sa kanila ang kanilang sinapit.



Mabilis kong nakamit ang hustisyang isinisigaw ng maraming babaeng kapwa ko biktima sa panghahalay. Pero kahit ganon may mga gabi pa ring napapanaginipan ko ang nangyari sa eskinitang iyon. Pakiramdam ko ay napakarumi ko. Nahihiya akong makihalubilo sa ibang tao.



Dalawang buwan na ang nakalilipas subalit lagi pa rin nila akong nakikitang tulala at parang wala sa sarili. Madalas akong nakaupo sa baitang ng hagdanan namin, nakapangalumbaba at nakatingin sa sahig na marmol. Naging madalang ang pagpasok ko sa eskwela. Lagi rin akong nagkukulong sa kwarto at nanonood lang ng mga pelikulang brutal at puro patayan. Humina rin ang aking pagkain at lagi akong walang kibo. Dinala ako ni mama sa doktor kahit tumututol ako.


Sabi ng doktor sa Oktubre daw ako manganganak.

2 comments:

Adlesirc said...

wow... posted pala itong gawa ko dito. salamat boyet =)

boyetdalisay said...

oi...oi...

syempre naman po.

nararapat lang na makita ng madla ang magagandang gawa mo...;-)